PWD, binugbog at kinuryente sa bus

Mga pasahero hinahanting
MANILA, Philippines — Isang person with disability (PWD) ang pinagtulungang bugbugin at kinuryente pa ng umano’y mga pasahero ng isang bus habang bumabaybay sa EDSA busway nitong Hunyo 9.
Makikita sa viral video na umabot sa 9 million views ang walang habas na panununtok, pagsipa ng ilang pasahero sa biktimang si alyas “Macmac” sa loob ng Precious Girls Transport. Umabot pa sa paggamit ng taser gun dahil sa umano’y pagiging agresibo ng biktima.
Subalit sa pulong balitaan, sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na hindi makatarungan ang ginawa ng mga pasahero gayundin ang driver at konduktor ng bus sa biktima.
Ayon kay Dizon, responsibilidad ng mga driver at konduktor ang mga pasahero habang sakay nila ang mga ito. Hindi dapat nagpikit-mata ang driver at konduktor at mas dapat na humingi ng tulong sa DOTr- Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na nakakalat sa EDSA busway upang umaksiyon sa pangyayari.
Bunsod nito, sinuspinde ni Dizon ng tatlong buwan ang lisensiya ng bus driver na si “Mark Ivan” at konduktor na si “Francis” nang mabigo ang mga ito na pigilan ang ginawang pagkuyog at pangunguryente ng kanilang mga pasahero kay Macmac.
Nagpadala na rin aniya sila ng kautusan sa bus company na Precious Girls Transport upang magpaliwanag dahil may responsibilidad sila na pangalagaan ang mga mananakay.
Kaugnay nito, pinahahanting na rin ni Dizon ang mga pasaherong nambugbog sa biktima upang mapatawan ng pasura.
Masusi na rin aniyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari upang alamin kung bakit nauwi ang insidente sa pambubugbog.
Nabatid na nakipag-ugnayan na rin aniya ang DOTr sa pamilya ng biktima na pinapunta niya sa kanyang tanggapan upang pagkalooban ng tulong dahil sa pinsalang tinamo ng biktima.
- Latest