4 magkakaanak na ‘robbery syndicate’ timbog sa QCPD

MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na magkaka-anak na kinabibilangan ng isang babae na sangkot sa panghoholdap sa isang junkshop kamakalawa ng madaling araw sa Quezon City.
Sa report ni QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief PMaj. Allan Rainier Cabral kinilala ang mga suspek na sina “Mark Anthony”, 55; “Mark Acevin”, 24; “Mark Eugene”, 25 at “Renquel”, 24, na pawang mga residente ng Bagong Barrio, Caloocan City.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng QCPD-CIDU na nangyari ang insidente nitong Biyernes ng madaling araw sa Princess Junkshop sa No.95 Congressional Ave., Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Batay sa reklamo ng may-ari ng junkshop na si alyas “Boy”, bigla na lamang pumasok sa kanilang junkshop ang mga suspek na pawang mga armado ng iba’t ibang baril at pinaglilimas ang kanilang kita at mga personal na gamit.
Matapos ang panghoholdap mabilis na tumakas ang mga suspek gamit ang dalawang motorsiklo.
Dito na huminigi ng saklolo ang biktima at agad na pinakilos ni QCPD Officer in Charge PCol. Randy Glenn Silvio, sina Cabral kasama ang DID-QCPD Operatives sa pangunguna ni PLtCol Rossel Cejas at mga operatiba ng PS-15 operatives sa ilalim ng pamumuno ni PLtCol Roldante Sarmiento.
Sa isinagawang CCTV forward tracking at backtracking ng QCPD operatives, namataan ang mga suspek sa Bagong Barrio, Caloocan City kaya agad namang nakipag-ugnayan sila kay PCpt. Gilmer Mariñas, Caloocan Sub-station 5 Commander, Bagong Barrio at PLt Carl Mamaclay, Intel Officer.
Sa joint police operations ng QCPD at Caloocan Sub-station 5, nadakip ang mga suspek sa bandang ala-1:40 ng tanghali sa No.35 Binata St., Brgy. 144, Bagong Barrio, Caloocan City.
Nakumpiska sa suspek na si “Mark Anthony” ang isang caliber .38 revolver, tatlong live ammunition, habang replica ng pistol ang nakuha kay “Mark Eugene” at improvised gun ang nabawi mula kay “Mark Acevin”. Bigo ring magpakita ng dokumento ang mga suspek.
Sa ISAV verification, nabunyag na si “Mark Anthony” ay sangkot sa iba pang mga kaso ng robbery at carnapping sa Quezon City at San Mateo, Rizal, habang si “Mark Acevin” ay dawit sa mga kasong illegal drugs.
- Latest