9 sako ng ilegal na droga, nalambat sa Zambales – PCG

MANILA, Philippines — Nasa 9 na sako ng ilegal na droga ang nalambat ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Zambales, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) kahapon.
Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na itinurn-over na ng mga mangingisda kahapon ang 9 na sako ng hinihinalang ilegal na droga na kanilang nakuha sa dagat ng Zambales na kanilang agad na ipinagbigay alam sa Coast Guard Station (CGS)-Bataan.
Base sa inisyal na impormasyon na natanggap ng PCG, nitong May 29 nang maispatan ng mga mangingsida ang 9 sako na lulutang lutang sa dagat habang sila ay nagsasagawa ng fishing activities sa nasabing lugar.
Agad na binantayan at isinakay ang naturang ilegal na droga ng isang grounded barge sa Mariveles, Bataan at ipinagbigay alam ito sa PCG.
Nagpadala sa naturang lugar ang PCG ng joint inspection team na binubuo ng mga tauhan mula sa CGS-Bataan Quick Response Team, K9 Unit at Intelligence personnel.
Sa isinagawang inspection, nagpakita ng senyales ang drug-sniffing dogs mula sa K9 Unit na positibo sa presensya ng ilegal droga ang mga nasa sako.
Nakikipagkoordinasyon na ang CGS Bataan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Bataan para sa on-site assessment at nakumpirma na ang mga narekober na mga sako sa dagat ay naglalaman ng illegal drugs.
- Latest