P9 milyong halaga ng asukal, sweetener nasabat ng BOC
MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) kasama ang kinatawan ng Department of Agriculture (DA) ang mahigit P9 na milyong halaga ng puslit na asukal at sweetener mix mula sa Thailand at Vietnam sa Port of Manila, nitong Huwebes, Mayo 29.
Iprinisinta ng BOC kay Agri Secretary Francisco Tiu-Laurel, Jr. at Sugar Regulatory Administration Administrator Pablo Luis Azcona ang apat na container van na naglalaman ng smuggled na asukal. Galing Thailand ang nasa 1,000 bag ng asukal na nagkakahalaga ng P5.4 milyong habang mula Vietnam naman ang nasa P4.5 milyong halaga ng sweet mix na nasa 1,040 bags.
Ayon sa DA, apat na container van ang nakumpiska, kabilang ang 2,000 sako ng refined sugar ay walang permit mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA).
Isasailalim sa pagsusuri ang mga asukal at sweetener mix para malaman kung fit for human consumption pa ang mga ito.
Nagbabala muli si Tiu na dapat nang matakot ang mga smugglers dahil sa pagpapatupad ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Law.
Samantala, batay sa datos ng DA umabot na sa mahigit P407 million ang halaga ng smuggled agricultural products ang nasabat ngayong taon, habang pumalo sa P2.83 billion ang kabuuang halaga ng nasamsam noong nakaraang taon.
Blacklisted na sa DA ang importer ng smuggle sugar na Lapaz Multi Purpose Cooperative.
- Latest