Police visibility program, 21,500 pulis ikakalat
MANILA, Philippines — Ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa 21,500 pulis na magpapatrol at lilibot sa mga matataong lugar sa Metro Manila.
Kahapon ay inilunsad nina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at NCRPO Director Maj. Gen. Anthony Aberin ang bagong police visibility program kasunod ng inspeksiyon sa ilang mga police stations sa Kalakhang Maynila.
Sakop ng NCRPO ang Manila Police District, Quezon City Police District, Northern Police District (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela), the Eastern Police District (Pasig, Mandaluyong, Marikina, San Juan) at Southern Police District (Las Piñas, Makati, Muntinlupa, Parañaque, Pasay, Pateros, Taguig).
Sa record ng NCRPO, 12,539 pulis ang nasa beat patrols; 2,989 pulis itinalaga sa administrative patrol duties; 2,944 pulis mobile patrols; 1,794 ang magkukumpuni ng mga visibility posts at outposts; 344 ang naka-deploy sa border control points; 629 ang itinalaga sa mga checkpoints at 293 pulis ang ikakalat sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) stations.
Nakatakda ring tumulong ang mga nasa 240 community volunteers na magsisilbing force multipliers.
“Ito ay ide-deploy natin sa mga piling lugar kagaya ng kalsada, yung may high-density na mga lugar and at the same time, kung saan talaga pumupunta ang mga tao,” ani Aberin.
Binigyan diin naman ni Remulla na kailangan na mas paigtingin ang police visibility upang mas maramdaman ng publiko ang pamahalaan at maramdamang ligtas sila sa lahat ng oras.
Ani Remulla, hindi maaaring pagbatayan ang bilang ng pagbaba ng krimen. Mas dapat na mismong ang publiko ang magsasabi na mababa na ang krimen sa bansa.
- Latest