TRO vs NCAP tinanggal na ng SC

Implementasyon tuloy na
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na inalis na ng Kortre Suprema ang temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng no-contact apprehension policy (NCAP) sa Metro Manila.
Ito’y kasunod ng inihaing urgent motion ng MMDA sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) noong Mayo 16, 2025 sa Supreme Court na tanggalin na ang TRO.
Hindi pa nagbibigay ng detalye ang MMDA kung kailan sisimulang pairalin muli ang NCAP.
Gayunman, hindi pa natatanggap ng MMDA Public Information Office ang pormal na impormasyon bagamat ibinunyag na ito ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes sa media sa ginanap na ceremonial blessing ng mga heavy equipment at dump trucks na gagamiting karagdagang sa Metro Manila Flood Management Project.
Samantala, nilinaw ni SC Spokesperson Atty. Camille Ting na bagama’t agaran ang implementasyon ng NCAP, partial lifting lamang ang TRO at ipatutupad sa ilang pangunahing lansangan kabilang ang C5 at EDSA.
Nilinaw naman ni Ting na tanging MMDA lamang ang sakop ng partial lifting at hindi ang mga local government units (LGUs) at multa.
“The TRO covers the MMDA Resolution and the local city ordinances. So the TRO here is only lifted with respect to the MMDA, but it still remains with respect to the LGU ordinances,” paliwanag pa niya.
Hindi naman aniya nakasaad sa desisyon kung hanggang gaano katagal ito magiging epektibo.
Wala pa rin aniyang desisyon ang Korte Suprema sa merito ng petisyon.
- Latest