Isko nanumpa kay SC Justice Kho

MANILA, Philippines — Pormal nang namumpa si Manila Mayor-elect Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kay Supreme Court Associate Justice Antonio T. Kho, Jr. bilang bagong alkalde ng Maynila.
Alas-2 ng hapon nitong Lunes nang manumpa si Isko kay Justice Kho sa loob ng Supreme Court En Banc Session Hall na sinaksihan ng kanyang maybahay na si Dynee at mga anak na sina Patrick, Frances, Franco at ang bagong halal na konsehal ng 1st District na si Joaquin Domagoso.
Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Isko sa napaagang panunumpa niya sa tungkulin sa kadahilanang nais niyang makapaghanda sa pagsisimula ng kanyang trabaho bilang alkalde ng Lungsod sa tanghali ng Hunyo 30.
Ginawa na lamang niyang simple ang okasyon ng pagbabalik sa Manila City Hall upang makapagsimula agad ng trabaho lalo pa’t maraming problema ang nangangailangan ng mabilis na aksiyon.
Ayon kay Domagoso, kasama niya si Vice Mayor elect si Chi Atienza sa paglalatag ng mga programa at paglilinis ng lungsod. Tiniyak ni Moreno ang pagbabalik ng kalinisan, kaayusan at peace and order sa Maynila.
- Latest