Anak ginawang ‘mail-order bride’, suspek na ina binitbit sa NAIA
MANILA, Philippines — Naharang ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang isang babae na nadiskubreng ibinenta ang kanyang sariling anak bilang mail-order bride sa isang Chinese national.
Sa ulat ng Bureau of Immigration (BI), Mayo 13 nang mapigilan ng mga tauhan ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) sina Annie, 22 at anak na si alyas Mia na makasakay sa Philippine Airlines patungong China.
Sa pagtatanong ng awtoridad, inamin ni Mia na Marso 11 nang ipakilala sa kanya ang Chinese national at kasunod ang kasal na inayos ng kanyang ina.
Binigyan din siya ng P5,000 matapos ang simpleng kasal. Ipinakita rin ng kanyang ina ang isang pekeng marriage certificate. Pinangakuan din si Mia na bibigyan ng financial support ang kanyang pamilya.
Subalit ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, isang uri pa rin ito ng human trafficking na hindi pinahihintulutan ng batas.
“Hindi natin hahayaan na ang ating mga kababayan, lalo na ang mga kabataang babae, ay mapagsamantalahan sa ilalim ng maling pagkukunwari. Ang mga pagkilos na ito ay hindi lamang ilegal—ito ay hindi makatao,” ani Viado.
Idinagdag ni Viado na ang BI ay nakikipagtulungan sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at iba pang mga kasosyo upang matiyak na ang mga salarin ay mananagot at ang mga biktima ay makakatanggap ng tamang suporta.
- Latest