Operasyon ng mga motorcycle taxi ‘status quo’ – LTFRB

MANILA, Philippines — Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mananatiling “status quo” ang operasyon ng mga motorcycle taxi na “Move It” matapos magsumite ng Motion for Reconsideration ang nasabing ride-hailing company.
Ang desisyon ay tugon sa kautusan ng Department of Transportation (DOTr) na nagtatakda ng pagbabawas sa bilang ng kanilang fleet at pagpapatigil ng operasyon sa ilang lugar na bahagi ng pilot study.
Sinabi ni LTFRB Spokesperson Atty. Ariel Inton na ang regulasyon ng motorcycle taxis ay nasa ilalim pa rin ng multi-agency technical working group kasama ang DOTr, LTFRB, at LTO, at hindi lamang ang LTFRB ang gumagawa ng desisyon dito.
Tiniyak ni Inton na mananatili muna ang status quo habang pinag-aaralan ng technical working group ang motion for reconsideration ng “Move It”, kaya patuloy pa ring makakabiyahe ang mga rider.
Ayon naman kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na isinasaalang-alang ng TWG ang kapakanan ng mga motorcycle taxi rider, habang isinusulong pa rin ang ligtas at maayos na sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.
- Latest