Halos P12 milyong ecstasy, heroine buking

Sinilid sa skin care, vacuum cleaner
MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang halos P12 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng iligal na droga na nadiskubreng isiningit sa mga parcel ng mga skin care at household items, sa magkakahiwalay na operasyon sa Pasay at Pampanga.
Sa ulat ng BOC, unang nadiskubre ang 6 na parcels na may nakasingit na P4.43-M ng 1,330 tableta ng ecstasy, at 362 gramo ng heroine, na nakasiksik sa skin care products, board games, at plumbing materials na nagmula sa mga bansang Ireland, Netherlands, at Thailand.
Misdeclared na lumalabas ang mga parcels na naka-address ang shipment sa isang mailing service sa Pasay City.
Samantala, nakumpiska naman ang 1.1 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P7.5 milyon sa Port of Clark. Nakasingit naman ang iligal na droga sa undergarment, tea bags, vacuum cleaner, at rice cooker na nagmula sa Kuala Lumpur, Malaysia, at nakatakda sanang dalhin sa Bacoor, Cavite.
Nang dumaan sa enhanced X-ray scanning ang vacuum cleaner ay nakita ang kahina-hinalang plastic bag na nababalot sa brown packaging tape na nakasiksik sa loob ng vacuum cleaner na nadiskubreng 538 gramo ng shabu na nasa P3.658 milyon ang halaga.
Gayundin ang isang rice cooker na may natuklasang 12 tape-sealed na transparent plastic bags na may nakasingit na namang 574 gramo ng shabu, katumbas ng P3.903 milyon.
- Latest