Operasyon ng Coin Deposit Machine sa Metro Manila ititigil ng BSP
MANILA, Philippines — Pansamantalang ititigil ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang operasyon ng coin deposit machine sa Metro Manila simula sa Hunyo 17, 2025.
Ayon sa BSP, magsasagawa sila ng masusing pagrepaso para sa kung papaano ang mas magandang paraan magamit, mare-circulate o mapagsilbihan ng idle coins ang mga pangangailangan ng mga Pilipino.
Noong Hunyo 2023 nang ilunsad ng BSP ang coin deposit machines upang mas mapaikot ang mga loose change.
Nabatid na umabot na sa P1.5 bilyon ang halaga ng naproseso ng mga machines simula noong inilunsad ito.
Dagdag pa ng BSP, maari namang ideposito ang mga barya sa kanilang bank account, habang ang mga walang bank account ay maaari ring ipalit ang mga sira-sirang barya sa mga bangko at iba pang currency exchange centers sa ilalim ng programa ng BSP na Piso Caravan.
Obligado rin ang mga bangko na palitan ang mga “unfit coins” upang hindi na makasama pa sa sirkulasyon, alinsunod sa BSP Circular No. 829 series of 2014, at ng Manual Regulations for Banks (MORB).
- Latest