DILG sa LGUs: Cashless transactions ipatupad
MANILA, Philippines — Hinihikayat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mga Local Government Units (LGUs) na ipatupad ang cashless transactions sa mga government payments.
Batay sa DILG memorandum circular sa ilalim ng Executive Order No. 170, s. 2022 hinggil sa digital payments, dapat nang sinisimulan ng mga LGUs ang pangongolekta ng local tax at iba pang bayarin sa pamamagitan ng electronic payment and collection systems (EPCS).
Ayon sa DILG, malaking tulong ang digital payments upang mapanatili ang transparency, mas epektibo at magiging madali sa publiko na magbayad.
Maaaring magpasa ng mga ordinasa ang LGUs para sa implementasyon ng cashless transactions.
Kailangan lang na tiyakin ng mga LGUs na accessible ang digital payment, ang payment channels ay user-friendly at naka-align sa National Retail Payment System Framework and the Data Privacy Act.
Sinabi ng ahensya na ito ay alinsunod sa pagtulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa digital transformation ng gobyerno.
Gayunman, nilinaw ng DILG na dapat pa ring tumanggap ng cash at iba pang tradisyonal na paraan ng pagbabayad bilang karagdagan sa electronic payments.
- Latest