Driver ng SUV sa NAIA car crash pinalaya
MANILA, Philippines — Pansamantalang pinalaya nitong Huwebes ng gabi ng Pasay court ang driver ng SUV na sumagasa sa bollard at nakapatay ng dalawa katao, sa entrace ng departure area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong Linggo, ayon sa Philippine National Police - Aviation Security Group (AVSEGROUP) kahapon.
Kinumpirma sa viber statement ni AVSEGROUP Public Information Office chief Police Lieutenant Colonel Lizel Dimaandal na naglagak ng piyansang P100,000.00 ang 47-anyos na driver, batay sa release order ng Pasay City Regional Trial Court, National Capital Region, Branch 109.
Nai-turn over ang akusado sa kaniyang live-in partner matapos sumalang sa physical at medical examination sa Pasay City General Hospital, na negatibo sa external signs of injury sa mga oras na iyon.
Matatandaang noong Mayo 4 nang maganap ang malagim na insidente nang araruhin ng SUV ang Departure West Curbside Area ng NAIA Terminal.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property sa ilalim ng Revised Penal Code ang nasabing driver kaugnay sa pagkamatay ng isang 4-taong batang babae at 29 anyos na lalaki.
- Latest