Pawnshop pinasok ng ‘Termite Gang’, P3.7 milyong alahas, pera natangay
MANILA, Philippines — Nagsasagawa ng manhunt operation ang Quezon City Police District (QCPD) laban sa dalawang miyembro ng “Termite Gang” na pumasok sa isang pawnshop at tumangay ng P3.7 milyon halaga ng mga alahas at pera nitong Martes.
Sa imbestigasyon ng pulisya, humukay ang mga suspek ng daan patungo sa EJM Pawnshop sa panulukan ng Quirino Highway at Susana street sa Brgy. Gulod ng nabanggit na lungsod.
Lumilitaw na nadiskubre ang pagsalakay ng Termite Gang bandang alas-4 ng madaling araw ng isa sa mga empleyado ng naturang pawnshop. Agad namang inireport sa Novaliches Police Station at sinuri ang CCTV footage kung saan nakita lumabas sa isang butas sa loob ng pawnshop ang mga suspects. Sinira ng mga suspek ang alarm ng pawnshop.
Makikita rin na puwersahang binuksan ng mga suspek ang vault sa pamamagitan ng acetylene torch.
Natangay ng mga suspek ang mga alahas na nagkakahalaga ng P3.5 milyon at P200,000 cash.
Ayon sa pulisya, posibleng ginamit ng mga suspek na daan ang manhole malapit sa naturang pawnshop.
- Latest