2 Pulis Quezon City nanggulo sa bar, inireklamo
MANILA, Philippines — Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang dalawang pulis Quezon City matapos na ireklamo ng panggugulo sa loob ng isang KTV bar kamakalawa ng madaling araw sa Quezon City.
Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang dalawang pulis na may ranggong “Corporal” at “Patrolman” na kapwa nakatalaga sa Holy Spirit, Police Station 14-QCPD matapos na boluntaryong sumuko.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang ala-1:30 ng madaling araw ng Miyerkules sa Hunter KTV Bar sa Commonwealth Ave. Brgy. Holy Spirit, QC.
Makikita sa CCTV footage na kapwa lasing ang dalawang pulis at nambato ng yelo sa ilang waiter at customer.
Nasira rin ang isang glass painting frame sa loob ng bar kaya agad na nagsilabasan ang mga customer.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng QCPD na siyang umaresto sa dalawa. Kinumpiska na rin ang kanilang mga service firearm bilang bahagi ng ginagawang imbestigasyon.
Posibleng masampahan ang dalawang pulis ng kasong alarm and scandal at malicious mischief.
- Latest