Tumangay ng motorsiklo, 2 gang member timbog
MANILA, Philippines — Dalawang lalaking kapwa miyembro ng Commando Gang ang inaresto ng mga pulis matapos umanong tangayin ang motorsiklo ng isang fast food crew sa Sta. Cruz, Manila kamakalawa.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Sta. Cruz Police Station 3, sina alyas Andy, 23, at residente ng Sampaloc, Manila; at alyas Enzo, 20, ng Sta. Cruz, Manila ay nadakip bandang alas-7:30 ng gabi nitong Miyerkules.
Bago ito, nagreklamo sa pulisya ang biktimang si alyas ‘Jolo’, 23, crew ng isang fast food chain, hinggil sa pagkawala ng kanyang itim na Honda Click motorcycle dakong alas-3:20 ng madaling araw kamakalawa sa Felix Huertas St., sa Sta. Cruz.
Ipinarada lamang ng biktima ang motorsiklo sa lugar ngunit nang madaanan ito ng mga suspek at nakitang nakakabit pa ang susi nito ay kaagad na pinag-interesan at tinangay.
Kaagad namang nagsagawa ng backtracking sa CCTV ang mga pulis at nang makilala ang mga suspek ay mabilis na nagkasa ng follow-up operation.
Unang naaresto si Andy sa Laguna St., kanto ng Rizal Avenue sa Sta.Cruz habang si Tapia ay nadakip naman sa Rizal Avenue, kanto ng Blumentritt St. sa Sta.Cruz.
Nakapiit na ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o The New Anti-Carnapping Act of 2016 sa piskalya.
- Latest