Campaign materials tanggalin hanggang Mayo 17

Comelec sa mga kandidato
MANILA, Philippines — Hanggang sa Sabado, Mayo 17 lamang ang palugit ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato upang tanggalin ang lahat ng kanilang campaign materials na ginamit sa midterm polls.
Ayon kay Comelec Spokesperson Atty. Rex Laudiangco, kabilang sa mga dapat tanggalin ng mga kandidato ay mga election posters at paraphernalia, gayundin ang mga ginamit nilang social media contents.
Nagbabala si Laudiangco na ang mga kandidatong mabibigong magtanggal ng campaign materials, ay maaaring maharap sa election offense.
“Ayon sa ating resolution na implementation ng ating Fair Elections Act, they have five days to remove their campaign materials and that includes their posts on social media kung direktang campaign material,” ani Laudiangco.
Sinabi rin nito na ang sinumang kandidato na mako-convict sa anumang election offenses ay maaaring maharap sa diskuwalipikasyon.
Samantala, sinimulan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ilang local government units (LGUs) ang pagbabaklas ng mga campaign posters na ginamit nitong nakaraang halalan.
Sa Maynila, umaabot na sa 12 truck ng campaign materials ang nakolekta dalawang araw matapos ang halalan noong Lunes.
Batay sa ulat ni Manila City Engineer Moises Alcantara kay Manila Mayor Honey Lacuna hanggang sa susunod na linggo pa tuluyang malilinis ang lungsod mula sa mga campaign materials.
Kabilang umano sa tinatanggalan nila ng campaign posters at tarpaulins ay ang mga puno, poste ng kuryente, gayundin ang mga cable at electric wires.
Sa Quezon City, hiniling ng Commission on Election (Comelec) sa mga kandidato na alisin na ang kani kanilang election materials nanalo o natalo man sa nagdaang halalan. — Angie Dela Cruz
- Latest