Joy Belmonte, Isko at iba pang Metro Manila Mayors naiproklama na

MANILA, Philippines — Naiproklama nang lahat ang mga nanalong alkalde na kinabibilangan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Manila Mayor Isko Moreno at Pasig City Mayor Vico Sotto gayudin ang mga bise alkalde sa katatapos na midterm elections 2025 nitong Lunes.
Sa Quezon City, pormal nang naiproklama si incumbent Mayor Joy Belmonte na nakakuha ng 1,030,000 gayundin ang ka-tandem nitong si Vice Mayor Gian Sotto na nakakuha ng 923,680 boto.
Sa panayam ng media, lubos na nagpasalamat si Belmonte sa ‘historic’ 1 million votes. Bagamat nasa huling termino, tiniyak ni Belmonte na patuloy niyang isusulong ang social services, programang pangkalusugan at pabahay para sa QCitizens.
Ayon naman kay dating House Speaker Sonny “SB” Belmonte at ama ni Mayor Joy, pinabilib siya ng anak nang makakuha ng higit 1 milyong boto mula sa QCitizens. Ani, SB dahil sa tiyaga at sipag ng bunsong anak ay nakuha ang pinakamataas na bilang ng boto mula sa NCR.
Sinasabing noong 2010, si dating Manila Mayor Fred Lim ang nakakuha ng higit 1 milyong boto sa NCR at ngayong 2025, si Mayor Joy lamang ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa pagka-Mayor sa Metro Manila.
“Simpleng tao ‘yan, mabait, matiyaga at masipag ay nakuha ang malaking bilang ng boto.Bilib ako sa kanya dahil ako natapos ang tatlong term sa pagka-Mayor ng QC pero hindi ko naabot ang milyong boto..ituloy lang niya ang magaganda niyang ginagawa” dagdag pa ni SB.
Ang mga konsehal namang nangunguna sa QC ay sina TJ Calalay, District 1; Mikey Belmonte, District 2; Doc Geleen Lumbad, District 3; Atty. Vicent Belmonte, District 4; Joseph Visaya, District 5 at Doc Ellie Juan, District 6.
Sa Congressional seat, nanalo ang mga incumbent Congressman na sina Arjo Atayde, District 1; Ralph Tulfo, District 2; Franz Pumaren, District 3; nagbabalik ba si Atty. Bong Suntay, District 4; PM Vargas, District 5 at Marivic Co-Pilar, District 6.|
Samantala, naiproklama na rin si Manila Mayor Isko Moreno kahapon kasama ng kanyang ka-tandem na si Vice Mayor Chi Atienza. Si Moreno ay nakakuha ng boto na 529,940 habang 583,124 naman si Atienza as of 7pm.
Nangako si Moreno na sa pagbabalik niya sa Maynila, titiyakin niyang malilinis, at aayos ang lungsod gayundin ang pagpapatuloy sa mga natenggang proyekto sa ilalim ni Mayor Honey Lacuna.
Nagpasalamat din ang Isko-Chi Tandem sa mga Batang Maynila na muling sumugal at nagtiwala sa kanila at nangakong hindi nila bibiguin ang mga ito at ibibigay ang mga ayuda at benepisyo na dapat sa kanila.
Una nang naantalang bilangan ng mga balota sa Session Hall ng Lungsod ng Maynila dahil sa “failure of transmission” mula sa ilang clustered precincts. Gayunman agad din ipinagpatuloy ng Commission on Elections (Comelec) Manila City Board of Canvassers, sa pangunguna ni Atty. Jericho Jimenez, Election Officer IV.
Ang iba pang Metro Mayors na naproklama ay sina Caloocan City Mayor Dale Gonzalo Malapitan, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, Navotas City Mayor John Rey Tiangco, Valenzuela City Mayor, Wes Gatchalian, Pasig City Mayor Vico Sotto at Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon.
- Latest