Higit P197 milyong shabu nasabat sa 2 bigtime ‘tulak’

MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Southern Police District (SPD) ang dalawang bigtime ‘tulak’ matapos na makuhanan ng higit P197 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Parañaque City nitong Sabado ng hapon.
Batay sa report, alas-5 ng hapon nitong Sabado (May 10) nang isagawa ang operasyon sa loob ng isang eksklusibong subdivision sa Parañaque City at nagresulta sa pagkakahuli sa mga suspek na sina “Jalil”, 44, at “Gracia”, 36, kapwa residente ng Cebu City.
Ayon sa mga awtoridad nahirapan silang magsagawa ng surveillance at validation dahil sa mahigpit na security ng subdivision.
Subalit sa pagpupursige ng mga awtoridad, nagawa pa ring makipagtransaksiyon sa mga suspek kung saan ang mga shabu ay inilagay sa 29 na aluminum foil packs na may label na “Freeze-dried Durian” na may Chinese character.
Dito ay agad na pinosasan ng mga operatiba ang mga suspek at binasahan ng Miranda Rights.
Aabot sa 29 kilo ang kabuuang timbang ng mga nasabat na droga, na may street value na P197,200,000.
Nahaharap ang dalawa sa paglabag sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest