PNP, wagi bilang Best Advocacy Film sa 2025 Famas
MANILA, Philippines — Nakasungkit ng panalo ang Philippine National Police (PNP) Best Advocacy Film award kauna-unahang pagsali ng organisasyon sa prestihiyosong FAMAS Short Film Festival.
Ang short advocacy film ng PNP na pinamagatang “BENEPISYO” ang tinanghal na Best Advocacy Film sa ginanap na 2025 FAMAS Awards Night noong May 10 sa Music Museum, San Juan City.
Mismong si Chief PNP, Police General Rommel Francisco D. Marbil ang personal na tumanggap ng award, kasama sina PMGen Roderick Augustus B. Alba, Director for Police Community Relations, at PBGen Marvin Joe C. Saro, Director ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG).
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Marbil na layunin ng pelikula na ipabatid sa publiko ang mga benepisyo at tulong na ibinibigay ng pulisya sa mga nasusugatan o nasasawing pulis sa mga operasyon at tiniyak ni Marbil na hindi ito pababayaan.
Ang pagkilalang ito ay patunay ng malalim na kwento at kalidad ng produksiyon ng BENEPISYO — isang pelikulang naglalarawan ng sakripisyo, kabayanihan, at dedikasyon ng mga pulis sa kanilang tungkulin sa bayan. Ipinapakita rin nito ang mga suporta at benepisyong ipinagkakaloob ng PNP, ng pamahalaan, at ng mga katuwang na ahensya sa mga pamilya ng mga pulis na nasawi o nasugatan habang naglilingkod.
Napag-alaman na ang naturang pelikula ay inisyatibo ni Marbil bilang bahagi ng kanyang mas malawak na adbokasiya na palakasin ang morale at kapakanan ng PNP personnel at kanilang pamilya.
Sa higit 500 short film entries, namukod-tangi ang BENEPISYO dahil sa kakaibang temang tumatagos sa puso — pagbibigay halaga at boses sa mga buhay at sakripisyo ng mga kapulisan.
Ang tagumpay na ito ay hindi lang unang pagkilala sa PNP sa larangan ng pelikula at public communication, kundi nagsisilbing bagong pamantayan kung paano makikipag-ugnayan ang organisasyon sa mamamayang Pilipino gamit ang malikhaing at makabuluhang kwento.
- Latest