Sandamakmak na pera sa 7 maleta buking, 11 arestado

MANILA, Philippines — Umaabot sa P441-M cash na nakalagay sa pitong maleta ang naharang ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group at Mactan-Cebu International Airport na nagresulta sa pagkakadakip ng siyam na dayuhan at dalawang Pinoy kamakalawa ng gabi.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, bandang alas-9 ng gabi nitong Biyernes nang maharang ang pitong maleta na dala ng mga suspek na umano’y galing sa isang casino sa Cebu at pabalik sana ng Maynila.
Kabilang sa mga dinakip ay anim na Chinese, isang Malaysian, isang Indonesian, dalawang Khazakstani at dalawang Pinoy.
Lumilitaw sa initial investigation na dumaan sa Xray scanner ang pitong maleta at napasin ang kaduda-dudang laman ng bagahe kaya agad na nagsagawa ng inspeksiyon ang PNP at tumambad ang P441 milyong cash, US$168,730 at HK$1,000.
Ayon kay Fajardo, masusi ang imbestigasyon sa nadiskubreng sandamakmak na pera matapos na maglabas ang White Horse Casino junket ng certification na ang perang naharang ay bahagi ng casino winnings. Nabatid na inihabol lamang ang certification ng White Horse matapos na makuwestiyon ang mga maleta.
Matatandaan na ang White Horse Casino ay isa sa mga pinagdaanan ng ransom money sa Chinese businessman na si Anson Que.
Dagdag pa ni Fajardo, sinisimulan na ring siyasatin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung saan gagamitin ang pera lalo pa’t dalawang araw na lamang bago ang eleksiyon. Posible umanong konektado ang mga naaresto upang impluwensiyahan ang halalan.
Tiniyak ni Fajardo na tulung-tulong sa imbestigasyon ang PNP, PAOCC at AMLAC dahil maituturing na national concern.
- Latest