3 Chinese arestado sa P4.2 milyon pekeng beauty products

MANILA, Philippines — Aabot sa P4.2 milyong halaga ng mga pekeng beauty products ang nakumpiska ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagresulta ng pagkakaaresto sa tatlong Chinese at isang Pinoy sa isinagawang entrapment operations sa Malabon City.
Kinilala ni CIDG Director PMGen. Nicolas D Torre III, ang mga suspek na sina alyas Kevin, alyas Leo na kapwa manager at alyas Yin, secretary at alyas Angelito, staff ng Sannyou Packaging Services.
Ang apat ay nahuli sa aktong nagbebenta ng Ice Lerskin acne spot treatment at beauty products na walang Certification Product Notification (CPN) mula sa Food and Drugs Administration (FDA) nitong Abril 22 sa Brgy. Maysilo, Malabon City.
Nakumpiska sa operasyon ang 30 kahon ng acne spot serum na nagkakahalaga ng P4.2 milyon at mga resibo ng bentahan.
Binigyan diin ni Torre na ang operasyon ay pagbibigay proteksiyon sa kalusugan ng publiko.
Pinuri ni Torre ang CIDG Northern Metro Manila District Field Unit sa puspusang operasyon laban sa mga katiwalian at pamemeke.
Inihahanda na ang mga kasong kriminal laban sa mga suspek.
- Latest