CBCP: Papal elections, walang ‘frontrunners’
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na walang frontrunners ang nalalapit na papal elections o ang conclave para magluklok ng susunod na Santo Papa, kasunod nang pagpanaw ni Pope Francis kamakailan.
Ayon kay CBCP spokesperson Fr. Jerome Secillano, kahit sino sa 135 cardinals na eligible upang bumoto sa conclave ay maaaring maging kapalit ni Pope Francis. Aniya, kinakailangan lamang nito na makakuha ng two-thirds ng boto ng mga kardinal.
“Palagay ko, sa gagawin nilang general congregation sa pagtalakay nga ng mga isyu, doon nila unti-unting makikita kung sino ‘yung mga dapat nilang iboto. So wala diyan ‘yung pagkakampanya, wala diyan ‘yung tipong frontrunner siya,” paliwanag pa ni Secillano, sa panayam sa radyo.
Dagdag pa niya, karaniwang ang ‘frontrunner’ ay gawain ng media o public perception lamang.
Gayunman, sa bandang huli aniya, ang pananaw pa rin ng mga cardinal electors ang siyang mananaig dahil sila ang magdedesisyon kung sino ba talaga ang dapat maging susunod na Santo Papa.
Nabatid na mayroong tatlong Filipino cardinals na eligible upang makibahagi sa conclave.
Kabilang dito sina Cardinal Luis Antonio Tagle, Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, at Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, na siya ring pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
- Latest