BJMP: Higit 31K PDLs boboto ngayong Mayo

MANILA, Philippines —Tahasang sinabi ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesman Supt. Jayrex Bustinera na aabot sa mahigit 31,000 persons deprived of liberty (PDLs) ang nakatakdang bumoto para sa national and local elections sa Mayo 12.
Sa ginanap na press briefing sa DILG main office sa Quezon City, sinabi ni Bustinera, 31,251 PDLs ang boboto sa special polling centers sa loob ng mga kulungan ng BJMP habang nasa 464 PDLs naman ang i-e-escort ng mga jail officers upang makaboto sa kani-kanilang mga barangay kung saan sila rehistrado.
“Kami ay nagmamando or nagmamanage ng 484 jail facilities nationwide dito sa mga facilities na ito 393 na facilities ay magiging special polling precinct. Ang ibig sabihin hindi na lalabas ng kulungan yung ating mga nakakulong na kapatid kung hindi doon na sila boboto sa loob at ito ay na establish as special polling precincts ng Comelec,” ani Bustinera.
Lumilitaw sa datos ng BJMP na pitong PDLs ang tumatakbo sa pagka Senador, Mayor, Kongresista, dalawang Vice Mayor at dalawang municipal councilor.
Nilinaw ni Bustinera na maaari pa ring makaboto ang mga PDLs na hindi pa convicted ng korte. Nabatid na nasa 115,791 ang PDLs sa ilalim ng BJMP sa buong bansa.
Samantala, tiniyak din ni Bustinera na walang ‘vote buying’ na nangyari sa mga piitan kung saan nakakulong ang ilang mga kilalang kumakandidato.
Ani Bustinera, kailangan ang court order at hindi sila agad-agad nagbibigay ng pahintulot.
Sa katunayan, maging ang pagbibigay ng maliliit na supply o pangangailangan ng mga preso ay kanilang ipinagbabawal at minomonitor.
- Latest