Chinese na-rescue sa POGO, 3 kababayan timbog
MANILA, Philippines — Nasagip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national na ikinulong umano ng kanyang mga kababayan para magtrabaho bilang stocks scammer, sa isang small-scale Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Pasay City.
Sa ulat ng NBI-Criminal Intelligence Division (CID), isinagawa ang raid sa isang condominium unit kung saan nasagip ang biktima at nadakip naman ang tatlong Chinese nationals, na pawang nagpapatakbo ng POGO.
Nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng isang dating biktima hinggil sa ilegal na operasyon ng nasabing POGO hub.
Ayon kay NBI Intelligence Service Asst. Direktor Noel Bocaling, ang biktima ay ikinulong hanggat hindi niya nababayaran ang utang na P300,000.00 sa pamamagitan ng pwersahang pagtatrabaho sa panloloko o stocks scam.
“We were at the notion na ‘yung lugar na ‘yun ay quarters. Nakita namin doon na may operations pang iba,” ani Bocaling.
Dumipensa naman ang mga suspek na hindi nila inaabuso ng pisikal ang biktima at hindi rin pinipigilan.
Naihain na ng NBI ang reklamong illegal detention at paglabag sa Anti-Financial Accounts Scamming Act laban sa tatlong suspek.
Nagsasagawa pa rin ng beripikasyon ang NBI sa impormasyon na marami pang ilegal na POGO ang namumugad sa Pasay City at nambibiktima sa Pilipinas at mga taga-ibang bansa sa ilalim ng kangaroo-style operation.
- Latest