Tumirik ang motor, snatcher nasakote
MANILA, Philippines — Arestado ang isa sa dalawang snatcher matapos na tumirik ang motorsiklo na kanilang sinasakyan nang mambiktima ng isang therapist kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Kinilala ni QCPD Station 15 commander PLtCol Roldante Sarmiento ang suspek na si alyas Sonny Boy, 29, Brgy. Bagbag, Quezon City habang pinaghahanap naman si alyas Joshua.
Batay sa report, naglalakad sa Mindanao Ave. bandang alas-9 ng gabi nitong Martes ang biktima nang biglang dikitan ng suspek na si Joshua na bumaba sa Honda Beat motorcycle na minamaneho ni Sonny Boy.
Biglang inagaw ni Joshua ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P8,000 at saka sumakay sa motorskilo.
Papatakas na ang dalawa nang tumirik ang motorsiklo na nakakuha ng atensiyon ng mga tambay at mga pulis.
Dito na nadakip si Sonny Boy habang nakatakas naman si Joshua.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 293 (Robbery by Snatching) si Sonny Boy.
- Latest