Kelot, timbog sa pananaksak ng minor
MANILA, Philippines — Isang lalaki na itinuturong nanaksak sa isang menor-de-edad sa tapat ng isang TV station ang inaresto sa Mandaluyong City kamakalawa.
Nakapiit na ang suspek na kinilala si “Mark”, 38, sa Mandaluyong City Police Station.
Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong alas-2 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa tapat ng isang TV station sa Reliance St., sa Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City.
Nauna rito, may hinihintay umano ang biktima at ang kanyang ama sa naturang lugar nang bigla na lamang sumulpot ang suspek.
Sa hindi pa mabatid na kadahilanan ay kaagad na sinaksak ng suspek ang biktima sa bandang leeg, gamit ang isang screwdriver at saka mabilis na kumaripas ng takbo.
Kaagad namang nai-report ang krimen sa mga pulis, sa tulong ng mga security guard sa lugar.
Mabilis ding nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Greenfield Police Sub-Station 5, Mandaluyong Police, sa pangunguna ni PLT Marlon Banogon, na ikinaaresto ng suspek sa basement parking ng nasabing gusali. Narekober din mula sa suspek ang screw driver na ginamit sa krimen.
Mahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Homicide in relation to RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Samantala, ligtas at patuloy naman na nagpapagaling ang biktima sa Mandaluyong City Medical Center.
Kaugnay nito, pinuri ni PCOL Aden Lagradante, OIC ng Eastern Police District (EPD), ang maagap na pagkadakip ng mga pulis sa suspek.
- Latest