Mayor ng Silang, Cavite pinadidiskuwalipika sa Comelec

MANILA, Philippines — Pinadidiskuwalipika ng Solo Parents Partylist sa Commission on Election (Comelec) si Silang, Cavite Mayor Alston Kevin Anarna matapos ang umano’y pahayag nito sa kanyang pangangampanya ng pang-iinsulto, kawalan ng respeto at diskriminasyon sa mga solo parent.
Ayon kay Dr. Roselle Teodosio, spokesperson ng Solo Parents Party-list, hindi dapat na ginagamit sa ‘joke’ o anumang uri ng katatawan ang mga solo parent. “Hindi kami “entertainment”. Hindi kami object to be mocked”, ani Teodosio.
Sinabi pa ni Teodosio, dapat na maging sensitibo ang mga government officials tulad ni Anarna dahil hindi nito alam ang hirap na pinagdadaanan ng mga solo parent sa kanilang pamumuhay.
Isa sa mga ‘joke’ ni Anarna ay ang “pagpapa-raffle ng mga balong lalaki at balong babae”.
Ang petition for disqualification ay naglalayong itigil o gamitin sa political gimmick at mockery ang mga solo parent.
Samantala, binigyan diin din ni Teodosio na layong nilang mabigyan ng ID ang mga solo parent para sa karapat-dapat na tulong.
Lumilitaw na nasa 14 milyon pa na solo parent ang walang solo parent ID.
- Latest