Dermatologist inatado sa loob ng SUV
MANILA, Philippines — Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang doktor ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng kanyang sasakyan kamakalawa sa Quezon City.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nadiskubre ang bangkay ng biktima nasi “Leo”, 68, isang dermatologist, bandang alas-10 ng umaga kahapon sa Mindanao Avenue Extension, Brgy. Pasong Putik Proper, Quezon City.
Nabatid na napansin ng nangangalakal na si Tiger Marcelia ang duguang katawan ng biktima sa driver’s seat sa nakaparadang sasakyan. Agad siyang humingi ng tulong sa isang delivery rider na agad namang ipinaalam sa security guard ng isang fastfood.
Sa pag-iimbestiga ng SOCO Team sa pangunguna ni P Maj. Michael Jabel ng QCPD Forensic Unit, nakuha ang isang iris scissor na may dugo sa loob ng sasakyan habang nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Nang tignan ang dash camera footage ng sasakyan ng biktima, lumilitaw na isang lalaki ang sumakay sa kotse ng biktima sa may Neopolitan Business Park bandang alas 9:45 ng gabi ng Biyernes at nairecord din na alas-10:24 ng gabi ay makikitang pinagsasaksak na ng suspek ang biktima.
Nagsasagawa na ng follow up operation ang QCPD upang madakip ang suspek.
- Latest