Rehabilitasyon sa EDSA, sinuspinde ng DPWH
MANILA, Philippines — Inihayag ni Public Works Secretary Manuel Bonoan na pansamantalang suspendido ang rehabilitasyon ng EDSA ngayong Mahal na Araw at sa halip ay gagawin ang pagkukumpuni matapos ang halalan sa Mayo 12.
“Hinahanda natin (rehabilitasyon) pero ang gusto ko lang sabihin, hindi kami maggagawa nitong Holy Week. Hindi kami makakapagpagawa ngayong Holy Week,” ani Bonoan, sa panayam sa radyo.
Ani Bonoan, ito ay bunsod na rin ng ginagawa nilang paghahanda para sa nalalapit na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) meeting.
Ang target sana umano ng rehabilitasyon ay Abril 15 ngunit nagpasya silang magsagawa ng adjustment sa kanilang schedule at isagawa na lamang ito sa Mayo 15, matapos ang halalan, dahil sa paghahanda sa ASEAN meeting.
Aminado si Bonoan na masyadong matagal ang pagkaantala ng rehabilitasyon ngunit ang prayoridad aniya nila sa ngayon ay pagkukumpuni ng bahagi ng Pasay hanggang Guadalupe na siyang daraanan ng mga bisitang dadalo sa ASEAN meeting.
Uunahin na rin umano nilang gawin sa ngayon ay maglagay ng mga detour bridges, southbound at northbound.
Umaasa naman si Bonoan na matatapos nila ito hanggang sa pagtatapos ng taon.
- Latest