Bahay inararo ng kotse: 1 patay, 3 sugatan

MANILA, Philippines — Isa ang patay habang tatlo ang sugatan nang araruin ng isang humahagibis na kotse ang isang bahay sa kahabaan ng Sta. Rosa-Tagaytay Road sa Brgy. Lumil, Silang, Cavite kahapon ng madaling araw.
Ang nasawi ay kinilala lamang sa alyas na Cesar, nasa hustong gulang, residente ng Bel-air, Sta. Rosa, Laguna habang inoobserbahan sa pagamutan ang sugatang driver ng Nissan Sentra (WSG135) na si alyas “Tom”, ng Brgy. Tartaria, Silang, Cavite.
Dalawang residente rin mula sa inararong bahay na natutulog pa ng mga oras na iyon ang sugatan at ginagamot sa pagamutan na sina alyas Ira at alyas Jhon Drey, ng Purok 2, Brgy Lumil, Silang, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-12:30 ng madaling araw ng maganap ang insidente.
Sa salaysay ng isa sa mga sakay ng nasabing kotse na si alyas Patrolman Bonjon, 30-anyos, nakatalaga sa PNPA, galing umano sila sa kanilang bahay at nag-inuman. Nagkayayaan pa umano silang kumain sa labas kung kaya nagtungo sila sa isang kainan.
Gayunman, matapos kumain, nagyaya na umanong umuwi sina Cesar at Tom, biktima, at kinausap pa umano ni Bonjon ang mga ito na siya na ang magmamaneho dahil napansin niyang lasing na lasing na ang dalawa.
Gayunman, bigla na lamang umanong humarurot paalis ang dalawa at naiwan si Patrolman Bonjon.
Bunsod nito, posibleng sa matinding kalasingan ay nawalan ng kontrol sa pagmamaneho si Tom at dire-diretsong inararo ang isang bahay na ikinasugat ng dalawang natutulog na residente.
Bukod sa kotse na wasak na wasak, tatlong motorsiklo na pag-aari ng mga sugatang residente ang nawasak sa insidente.
- Latest