Killer ng anak ng NBI agent, nalambat sa Bulacan

MANILA, Philippines — Naaresto sa ikinasang raid ng National Bureau of Investigation sa Malolos City, Bulacan ang isang umano’y big-time drug trafficker na wanted sa pagpatay sa anak na lalaki ng isang NBI lawyer-agent sa Baguio City, may dalawang buwan na ang nakalilipas.
Sa pamamagitan ng ginamit na state-of-the-art surveillance equipment, nadakip ng mga ahente ng NBI-Pampanga District Office kasama ang kanilang Technical Intelligence Division, at ng NBI-Ilocos at Cordillera regional offices, ang akusado na si John Michael Serrano Garcia, sa Purok Wakas, Brgy. Mambog, Malocos City, Bulacan dakong alas-3:50 nitong Lunes.
Si Garcia, residente ng Brgy. Dontogan, Baguio City ay may warrant of arrest dahil sa kasong murder at attempted murder mula sa Regional Trial Court Branch 78 sa Baguio City na may koneksyon sa pagpatay kay Luke Maraneg,29, anak ni NBI Agent Atty. Dickson Maraneg, noong Nobyembre 24, 2024 sa Happy Homes, Brgy. Ferdinand, Baguio City.
Ayon sa NBI-Pampanga District Office, natunton si Garcia ng NBI Task Force sa tulong ng technical surveillance mula sa kamag-anak nito sa Malolos City nitong Valentine’s Day hanggang sa ikasa ang pagsalakay sa tinutuluyang bahay ng kanyang tiya sa Purok Wakas, Brgy. Mambog, Malolos City ng nasabing araw.
- Latest