Barangay Kagawad sinuspinde ng Taguig LGU
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng City of Taguig ang isang barangay kagawad ng Barangay Pinagsama matapos itong ireklamo ng Acts of Lasciviousness, Grave Misconduct, at Immoral Acts.
Ang mga reklamo laban kay Apolonio Fulo ay kaugnay ng insidenteng naganap sa dinaluhang seminar ng babaeng biktima at iba pang opisyal ng barangay noong Abril 6, 2024, sa hotel sa Cebu City.
Batay sa reklamo, hinawakan umano ni Fulo ang kamay at dibdib ng complainant habang natutulog kaya napatakbo palabas ng kuwarto at ipinaalam sa iba pang kasamahan sa seminar. Nag-alok pa diumano ng pera si Fulo upang hindi magsampa ng reklamo.
Dahil dito, inirekomenda ng Sangguniang Panlungsod ng Taguig ang 60-araw na preventive suspension upang maiwasan ang pananakot sa mga testigo at matiyak ang patas na imbestigasyon.
Pinirmahan ni Mayor Lani Cayetano ang kautusan noong Pebrero 5, 2025, matapos pahintulutan ng Comelec, na pansamantalang alisin si Fulo sa kanyang tungkulin bilang kagawad habang iniimbestigahan ang kaso.
Itinanggi ni Fulo ang mga paratang at iginiit na wala siyang ginawang masama.
- Latest