Rider nanagasa ng enforcer, siklista sa EDSA busway

MANILA, Philippines — Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng isang motorcycle rider na dumaan sa EDSA busway at nanasagasa pa ng lady enforcer at siklista sa northbound ng EDSA Ortigas, na sakop ng Quezon City kahapon.
Ayon sa Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), bukod sa multa, sasampahan din ng reklamong hit-and-run ang hindi pinangalanang rider matapos na sagasaan ang isang lady enforcer at siklista.
Batay sa ulat ng DOTr-SAICT, dumaan ang pasaway na rider sa EDSA-busway sa Ortigas Northbound dakong alas-7:00 ng umaga kaya pinara ng mga awtoridad. Sa halip na huminto, humarurot ang rider at lumipat ng linya upang makatakas.
Kuha sa CCTV kung paano sinagasaan ng rider ang isang lady traffic enforcer na kaagad na nabuwal at tumilapon.
Sa kabila nito nagdi-diretso pa rin sa pagtakas ang rider na dumaan pa sa bike lane at nakabangga naman ng siklista bago naabutan ng mga tauhan ng SAICT sa tulong ng ibang riders.
Dahilan naman ng rider, nawalan siya ng preno. Ngunit hindi ito bumenta sa mga tauhan ng LTO-PCG Investigation and Detection Management Service Head Quarters at dinala sa LTO Main Office para sa imbestigasyon. Pinagmulta ang rider habang tiniyak ng DOTr-SAICT ipakukulong ang rider at sampahan ng reklamong hit and run.
- Latest