P44 milyong marijuana buking sa balikbayan box, parcel

MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P39.6 milyong halaga ng high-grade marijuana sa balikbayan boxes sa loob ng container cargo ng Manila International Container Port (MICP) na nagmula sa Canada, habang sa hiwalay na inspeksyon ay narekober naman ang mahigit P4.9 milyong halaga sa isang parcel sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Umabot sa 28,296 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P39,614,400.00 ang nadiskubre matapos na dumaan sa X-ray procedure ang container cargo nang busisiin ng inspector ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa kuwestyunableng dokumento, noong Miyerkules, Pebrero 5, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nagmula umano sa Vancouver, Canada ang marijuana sa 30 mula sa 419 balikbayan boxes na kasamang isinailalim sa K9 inspection. Anang PDEA, ang shipper, receiver, at forwarding companies na sangkot ay iimbestigahan para sa posibleng pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ni Director Emerson Rosales, hepe ng PDEA National Capital Region, na ang pag-angkat ng ilegal na droga sa bansa ay may parusang habambuhay na pagkakakulong at multa mula P500,000 hanggang P10 milyon.
Samantala, nasabat naman ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang 6 na inabandonang parcels na naglalaman ng 3,557 gramo ng high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P4,979,800.00 sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong Huwebes.
Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), kahina-hinala ang kargamento matapos ang inspeksyon ng X-ray mh BOC duty inspector para muling suriin. Nagmula umano sa Thailand at naka-address sa recipient dito sa bansa ang parcels.
- Latest