DILG binalaan mga BFP personnel sa pagbebenta ng fire extinguishers
MANILA, Philippines — Binalaan ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang ilang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na sangkot sa pagbebenta ng fire extinguishers sa mga negosyante kapalit ng fire safety clearance.
“Bawal magbenta ng fire extinguisher ang mga fire marshall at kung may ganon ireport n’yo kaagad sa akin at tatanggalin ko ‘yan on the spot,” ani Remulla.
Ayon kay Remulla, sa ilalim ng BFP Memorandum Circular 2016-016, mahigpit na ipinagbabawal sa sinumang BFP ang selling ng fire extinguisher at pagrerekomenda ng mga manufacturers, dealers, o suppliers ng kahit anong fire fighting equipment.
Aniya, hindi siya mag-aatubiling sibakin sa puwesto ang sinumang tauhan ng BFP na masasangkot sa iligal na gawain ito.
Hinikayat din ni Remulla ang mga negosyante na ireklamo ang mga BFP personnel sa mga local chief executives na nagkikipag-transaksiyon sa kanila at nanggigipit sa kanilang negosyo. Maaari ring magreklamo ang mga negosyante sa ARTA sakaling walang aksiyon ang mga LGGs.
Sa ilalim aniya ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business (EODB) Law, dapat na mag-isyu ang BFP ng Fire Safety Evaluation Clearance (FSEC) at Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) sa mga negosyo sa loob ng pitong araw.
- Latest