Mag-asawang gamit pekeng visa pa-Netherlands inaresto
MANILA, Philippines — Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa paliparan labanan sa human trafficking, hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang mag-asawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagtatangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng Netherlands visa.
Iniulat ni BI immigration protection and border enforcement (I-PROBES) chief Mary Jane Hizon na ang mag-asawang nasa edad 26 at 28 ay nagtangkang sumakay ng Cathay Pacific flight papuntang Amsterdam, na nagpanggap na mga turista. Subalit nakatunog ang mga opisyal ng imigrasyon na peke ang kanilang Netherlands visa.
Sa masusing pagsusuri ng forensic documents laboratory ng BI, nakumpirma na peke ang visa at doon na rin inamin ng mag-asawa na nagbayad sila ng P268,000 para sa kanilang travel arrangement, kasama ang pekeng visa.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na nananatiling nakatuon ang ahensya sa pagprotekta sa mga hangganan ng bansa mula sa mga manloloko at sindikatong nananamantala sa mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Viado na ang BI ay nananatiling mapagbantay laban sa pandaraya sa imigrasyon at kakasuhan ang sinumang lalabag.
- Latest