Hirit ng MMDA: Mall hours hanggang alas-2 ng madaling araw

MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na nagsisimula nang maranasan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ang peak ng holiday rush.
Sinabi ni MMDAA Special Operations Group Strike Force chief, Gabriel Go na pumapalo na sa 470,000 sasakyan ang gumagamit ng EDSA sa kada araw, na inaasahang mas tataas pa sa Christmas break ng mga klase.
Inaasahan din aniya, ang pagdagsa sa mga mall at iba pang pamilihan habang papalapit ang Pasko.
“We’re expecting a little bit more of an increase, around 10 percent to 15 percent. If we’re going to look at the peak, we have already started. Makikita naman natin na mas malaking slowdown sa movement ng mga sasakyan. So we’re already there,” ani Go nang kapanayamin ng programa sa radyo.
Umapela rin ang MMDA sa mga malls na palawigin ang kanilang mall hours para magkaroon ng pagkakataon ang mga taong galing sa trabaho at naipit ng trapik, na makahabol sa planong pag-shopping.
“So some mall operators if they can extend up to 12 midnight, 1 a.m., maybe even 2 a.m., wala namang problema ‘yan. Actually much better ‘yan kasi hindi magkukumpolkumpol ang mga tao para habulin ang 11 p.m. closing time,” ani Go.
Una nang sinabi ng MMDA na pahihintulutan ang provincial buses na gumamit ng EDSA simula sa Disyembre 20. Hinikayat din ng MMDA ang mga pamilya na may ilang sasakyan na mag-carpooling upang makabawas sa bilang ng mga lalabas sa kalye.
Gayundin ang mga kaya namang gumamit ng public transportation na sumakay na lamang sa EDSA Bus carousel, LRT at MRT.
Nakadeploy naman aniya, ang MMDA traffic enforcer sa mga mall at major roads kahit gabing-gabi na upang umalalay sa mga motorista.
- Latest