MANILA, Philippines — Posible umanong gumamit ng private airstrip si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang tumakas siya sa Pilipinas noong Hulyo.
Matatandaang matapos na ipaaresto ng Senado, lumabas ng Pilipinas si Guo, kasama ang kapatid na si Shiela Guo at Cassandra Ong at nagtungo ng Malaysia ngunit kalaunan ay naaresto rin at ibinalik sa bansa.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Spokesperson Dana Sandoval, batay sa kanilang pag-analisa, tila hindi sa major international airport o seaport dumaan si Guo.
“We believe that she might have used a private airstrip, upang iligal po na makaalis ng bansa without the knowledge of authorities,” ani Sandoval sa isang panayam sa programa sa telebisyon.
Taliwas naman ito sa naunang pahayag ni Guo na lumabas siya ng bansa, sa pamamagitan ng mga bangka.
Ani Sandoval, ang mga private airstrips ay karaniwang pinangangasiwaan ng ground handler. Ang mga ito aniya ang nag-iimporma at humihingi ng clearance mula sa concerned government agencies.
Paniniguro ni Sandoval, mahaharap sa kaukulang kaso ang lahat ng mapapatunayang tumulong kay Guo upang makalabas ng bansa.