MANILA, Philippines — Nalalagay sa balag ng alanganin ang mga miyembro ng special bids and awards committee (SBAC) ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos i-ban ang mga observer at miyembro ng media sa proseso ng bidding para sa pagbili ng iba’t ibang sasakyang pandagat na nagkakahalaga ng P2.1 bilyon.
Binatikos ng abogadong si Faye Singson si Zaldy Perez, assistant director for administrative services at SBAC chairman, sa hindi pagpayag sa mga reporter na itinalagang mag-cover ng bidding para matiyak ang patas at walang kinikilingan na proseso ng bidding na naka-iskedyul kahapon at ngayong Oktubre 11.
Ang iba pang miyembro ng BFAR-BAC ay sina vice chairman Ida Capacio, mga miyembrong sina Dr. Sonia Somga, Imelda Calixto at abogadong si Felizardo Palumbarit Jr.
Ang mga proyekto sa ilalim ng Bid Reference 2024-62 at 2024-63 ay kinabibilangan ng pagkuha ng multi-mission offshore vessels, refrigerated cargo vessels, at steel-hulled fishing vessels at ang kabuuang budget ng proyekto ay lumampas sa P2.1 bilyon.
Sinabi ni Singson, dating assistant prosecutor ng Office of the Ombudsman, na pinangunahan ni BFAR acting head Isidro M. Velayo Jr. ang bids and awards committee meeting noong Setyembre 11 at 12, 2024, na nagresulta sa pagpapalabas ng supplemental bid bulletin 2 na may petsang 12 Setyembre 2024.
Ipinaalam ni Singson kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na nilabag ni Perez at ng mga miyembro ng SBAC ang ilang probisyon ng Government Procurement Reform Act of 2022.
Ang BFAR ay isang attached agency ng DA. Sinabi niya na sa ilalim ng RA 9184 6 SEC. 13 ay nagsasaad na: upang mapahusay ang transparency ng proseso, ang BAC ay dapat, sa lahat ng yugto ng proseso ng pagkuha, mag-imbita, bilang karagdagan sa kinatawan ng Commission on Audit.
Nabatid na hindi dapat bababa sa dalawang tagamasid na uupo sa mga paglilitis nito, ang isa mula sa nararapat na kinikilalang pribadong grupo sa isang sektor o disiplina na may kaugnayan sa pagbili sa kamay, at ang isa mula sa isang non-government organization kabilang ang mga miyembro ng media.