PBA player John Amores negatibo sa gunpowder, nagpiyansa – PNP

Heavy Bombers' John Amores lost his cool and threw punches on the court.

MANILA, Philippines —  Negatibo sa gunpowder ang parehong kamay ni PBA NorthPort Batang Pier player John Amores sa isinagawang pagsusuri ng awtoridad.

Ito ang sinabi ni Lumban Police chief  PMajor Bob Louis Ordiz kaugnay sa isinagawang paraffin test kahapon kay Amores.

Gayunman, sinabi ni Ordiz na hindi ito nangangahulugan na hindi nagpaputok ng baril si Amores.

“May iba-ibang factors kung bakit walang presence ng gunpowder nitrate. Puwedeng maging factor doon ‘yung dahil nasa outdoor siya, wind temperature at angle ng firing,” ani Ordiz.

Patuloy namang hinahanap ng mga pulis ang baril na ginamit ni Amores sa pamamaril.

Ayon kay Ordiz, ang kuha ng CCTV,  testimonya ng witnesses at ang mismong biktima na si Lee Cacalda ang tatayong ebidensya sa kaso ni Amores.

Nagpiyansa na rin kahapon si Amores at kapatid nito sa kasong attempted homicide. Naghain ng P24,000 ang basketbolista habang P10,000 naman sa kapatid nito na nagmaneho ng motorsiklo.

Itinakda ng korte ang arraignment at pre-trial ng kaso sa Disyembre 4, 2024.

Samantala, nag-alok ng tulong si Manila 3rd District Rep. Joel Chua upang bigyan ng libreng legal aid ang mga biktima ng pamamaril ni Amores at kapatid nito sa nangyaring insidente na nag-ugat sa larong basketball sa Lumban, Laguna noong Setyembre 25.

“Tutulungan natin si Ginoong Lee Cacalda at si nanay Shirley na magkaroon ng matibay at maasahang legal counsel upang magabayan sila sa mga kasong kriminal, sibil, at administratibo na dapat isampa kontra kina John Amores at sa ka-riding-in-tandem niya,” ayon kay Chua.

Noong Setyembre 25 ay nasangkot si John Amores sa pamamaril sa biktima matapos ang liga ng basketball sa Lumban, Laguna kung saan ang nagmaneho ng motorsiklo nito ay ang kaniyang kapatid na damay rin sa kaso.

Show comments