MTKR Jason Bradley na lumubog sa Bataan napalutang na ng PCG

MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na napalutang na nilang muli ang Motor tanker Jason Bradley, na lumubog sa karagatang sakop ng Bataan noong Hulyo.

Sa inilabas na update ng PCG, nabatid na iniulat ng salvor na FES Challenger na nagawa nilang palutangin ng hanggang 70% ang MTKR Jason Bradley matapos ang isinagawang patching at seawater pumping dito.

Sa sandali umanong makumpleto ang pagpapalutang sa motor tanker ay kaagad na itong dadalhin sa Di­ving Industry Shipyard sa Barangay Alas-Asin, Mariveles, Bataan.

Matatandaang Hulyo 26 nang lumubog ang MTKR Jason Bradley, na may lulang 5,500 diesel, sa vicinity waters ng Barangay Cabcaben, Mariveles, Bataan.

Isinagawa ang siphoning operations dito noong Agosto 10 matapos na makitaan ng tagas.

Bukod sa MTKR Jason Bradley, matatandaang lumubog din sa karagatan ng Bataan ang MTKR Terranova, na may lulan namang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil.  Umaabot na umano sa 97% ng oil cargo nito ang narekober na.

Sumadsad naman ang MV Mirola 1 sa Bataan ngunit matagumpay na itong na-tow at naidaong sa isang shipyard sa Bataan.

Show comments