PNP-CIDG pinaigting Oplan Mega Shopper vs pekeng yosi

MANILA, Philippines — Pinaigting ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang kanilang buy-bust operations sa ilalim ng Oplan Mega Shopper na nagresulta sa malaking pagkakasabat ng smuggled na sigarilyo sa mga pangunahing lugar sa Sultan Kudarat, Sarangani, South Cotabato, North Cotabato, at Koronadal City.
Ayon kay CIDG Director PMaj. Gen. Leo Francisco, ang serye ng mga operasyon sa ilalim ng Oplan Mega Shopper ay nagpapakita ng matibay na dedikasyon na puksain ang smuggling at pagbebenta ng pekeng sigarilyo.
Aniya, ang mga ilegal na aktibidad na ito ay hindi lamang pumipinsala sa ekonomiya ng bansa kundi nagpapalakas din ng kriminalidad.
Paliwanag ni Francisco, ang mga may-ari ng smuggled at pekeng sigarilyo ay umiiwas sa pagbabayad ng buwis, na nagkakait sa gobyerno ng bilyun-bilyong kita habang sinisira ang mga lehitimong negosyo.
Noong Setyembre 5, 2024, nagsagawa ang mga yunit ng CIDG ng limang malalaking operasyon, na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na suspek at pagkakasamsam ng smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P3,349,200.
Ang mga naaresto ay nahaharap ngayon sa mga kaso sa paglabag sa Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang mga operasyong ito ay naisagawa sa mahigpit na pakikipagtulungan sa Bureau of Customs at iba pang mga ahensya ng pagpapatupad ng batas.
- Latest