Homecoming parade para sa Pinoy Olympians, dinumog
MANILA, Philippines — Dinumog ng libu-libong mga mamamayan ang homecoming parade na inihanda ng pamahalaan para sa mga Pinoy Olympians na lumahok sa 2024 Paris Olympics.
Naging mainit ang pagsalubong ng mga ito sa mga atleta, sa pangunguna ng double gold medalist na si Carlos Edriel Yulo, bronze medalists na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas, at iba pang atleta na lumahok sa patimpalak.
Nabatid na dakong alas-3:00 ng hapon nang magtipon ang mga manlalaro sa Aliw Theatre sa Pasay ngunit dakong alas-4:08 na ng hapon nang simulan ang parada kung saan inaabangan ng mga tagahanga, na nagwawagayway pa ng mga bandila ng Pilipinas, ang mga manlalaro na lulan ng isang malaking float na may disenyo ng Olympics.
Dumaan ang parada sa Roxas Boulevard, Padre Burgos Avenue, Finance Road, Taft Avenue, Quirino Avenue, at Adriatico Street, bago dumiretso sa Rizal Memorial Stadium, kung saan matiyagang naghihintay ang kanilang mga tagahanga, gayundin ng mga opisyal ng pamahalaan, sa pangunguna mismo ni Manila Mayor Honey Lacuna.
Kabilang sa mga namataan na kasama sa crowd ay ang ama ni Yulo na si Mark Andrew habang nakita rin ang isang ka-look alike ni Yulo, na dinagsa rin ng mga tao upang magpa-selfie
Pasado alas-6:00 na ng gabi nang makarating ang mga atleta sa Rizal Memorial Stadium kung saan isang maikling programa ang inihanda para sa kanila.
Isa-isang ipinakilala ang mga manlalaro at binigyan ng pagkakataong makapagbigay ng mensahe.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat naman si Yulo sa Panginoon sa paggabay sa kanilang mga manlalaro at sa pagbibigay ng lakas upang maitaguyod ang kanilang pangarap.
Nangako rin siya na higit pa nilang gagalingan sa susunod upang makapag-uwi pa ng mas maraming karangalan sa bansa.
“Maraming salamat sa Panginoon sa paggabay sa amin, pagbibigay ng lakas para itaguyod ang mga pangarap namin... Proud na proud ako sa mga nakatayo sa gilid ko. Grabe ‘yung motivation at natutunan ko sa kanila... Mas gagalingan pa namin sa mga susunod na competition,” aniya. “Asahan niyo na makakakuha tayo ng mas maraming medal... Maraming salamat po sa pagsuporta sa amin.”
Matatandaang Martes ng gabi nang makauwi ng Pilipinas ang 17 sa 22 Olympians na lumahok sa Paris Olympics.
Mismong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. at iba pang government officials ang sumalubong sa mga manlalaro nang magtungo sila sa Malacañan Palace kung saan sila pinagkalooban ng cash incentives ng pamahalaan.
- Latest