3 Chinese huli sa pagkidnap, pagnanakaw sa Vietnamese
MANILA, Philippines — Nalambat ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang tatlong Chinese national kung saan nadakip din ang babaeng Vietnamese na kanilang ikinulong at pinagnakawan, sa isang residential resort sa Barangay Tambo, Parañaque City, kamakalawa ng gabi.
Nailigtas ang biktimang si alyas Lang, 23, ng Shore Tower Residence, sa Pasay City, na natangayan ng milyun-milyong halaga ng pera, mga alahas at mga cellphone ng mga suspek na pawang Chinese national na kinilalang sina alyas Jun, 31; alyas “Hao, 27; at alyas Zhang, 26, pawang private employee at nanunulyan sa magkakahiwalay na condominium sa Parañaque at Makati City.
Nangyari ang krimen sa pagitan ng alas-12:00 ng madaling araw hanggang alas-8:10 ng gabi ng Agosto 6, 2024 sa loob unit Bayshore Residence, Resort 2, Barangay Tambo, Parañaque City.
Nag-ugat ang operasyon nang magreport ang security personnel ng residential resort sa Tambo Police Substation sa nangyaring kidnapping.
Mabilis na tinungo ng mga operatiba, sa tulong ng security personnel ang nasabing unit at nadatnan ang biktima at mga suspek na walang maipakitang passport kaya sila inaresto.
Nasamsam sa mga suspect ang iba’t ibang uri ng baril at mga bala at mga electronic device.
Sa inisyal na imbestigasyon, inilahad ng biktima na siya ay may money exchange services business sa Maynila kaya nang kontakin siya ay nakipagkita sa Royal Pacific Residence para magpalit ng Philippine peso sa Vietnam Dong.
Dito na siya pinigil ng suspect at binantaang papatayin kung hindi susunod sa iuutos ng mga suspek.
Matapos kunin ang pera at alahas, inilipat ang biktima sa isang residential resort sa Barangay Tambo, Parañaque City, kung saan siya ay iligal na ikinulong at pisikal na inabuso ng mga suspek.
Nang lumabas ng silid ang ibang suspek, isa ang nagbantay sa kaniya na nakatulog kaya sinamantala niyang tumakas at humingi ng tulong sa security ng lobby, na nag-ulat ng insidente sa Tambo police.
- Latest