Seguridad, police visibility sa train stations, pinaigting ng NCRPO
MANILA, Philippines — Tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMGen. Jose Melencio Nartatez na mas paiigtingin ang seguridad at police visibility sa lahat ng mga istasyon ng tren sa Metro Manila.
Ang paniniyak ay ginawa ni Nartatez, kasunod ng napaulat na higit sa 80 krimen na naitala ay sa mga MRT at LRT mula 2023 hanggang 2024.
Ayon kay Nartatez, bineberipika na nila ang mga datos upang mapag-aralan at maaksiyunan.
Kabilang naman sa mga kasong tinututukan ng NCRPO ang mga bomb threat gayundin ang mga insidente ng sexual harrassment at pandurukot sa loob ng mga tren.
Paliwanag ni Nartatez, proactive naman ang mga pulis sa NCRPO na matagal nang pinaigting ang presensya sa mga istasyon ng tren at may mga marshall pang sumasakay para masiguro ang kaligtasan ng mga commuter.
Sinabi nito na mula sa tatlong pulis, ginawa nang lima ang bilang ng pulis kada train station upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter.
Lahat din aniya ng mga ito ay may mga body-worn camera na gagamitin sa inspeksyon at pagpapatrolya.
Tuloy-tuloy rin aniya ang koordinasyon ng NCRPO sa mga pamunuan ng tren at handang tumugon kung mangangailangan pa ng dagdag na deployment.
- Latest