Higit P1 taas-presyo sa petrolyo, ipatutupad ngayon
MANILA, Philippines — Magpapatupad ang malalaking kumpanya ng langis ng malaking pagtaas ng presyo sa kanilang mga produktong petrolyo na ipatutupad ngayong Martes, Hunyo 18, 2024.
Ang mga malalaking kumpanya ng langis na Petron Corporation, Pilipinas Shell at Chevron Philippines, kasama ang maliliit na kumpanya ng langis na Seaoil Philippines at Flying V ay nag-anunsyo nitong Lunes ng pagtaas ng kanilang mga produktong diesel ng P1. 75 kada litro, gasolina ng P0.85 kada litro at P1.90 kada litro sa kerosene na magkakabisa sa ganap na 6:01 ng umaga.
Dalawa pang malalaking kumpanya ng langis na Total Philippines at PTT Philippines, na hindi nagdadala ng kerosene, ay magtataas ng kanilang mga produktong gasolina at diesel sa parehong mga pagtaas sa alas-6:01 ng umaga, sa Martes.
Ang iba pang independent oil players tulad ng Jetti Petroleum, Phoenix Petroleum, Unioil Philippines, Petro Gazz at Eastern Petroleum na hindi nagbebenta ng kerosene ay magtataas din ng presyo kanilang gasolina ng P0.85 kada litro at diesel ng P1.75 kada litro epektibo ng alas 6:00 ng umaga habang ang Clean Fuel bandang alas-4:01 pa ng hapon ngayong Martes.
Sinabi ni PTT Philippines Media Relation Officer Jay Julian na ang pagbawas ng oil export ng Saudi sa China, ang pagbaba ng mga imbentaryo ng krudo ng US, at ang pagtaas ng demand para sa langis sa pandaigdigang merkado ay kabilang sa ilang mga dahilan para sa mabigat na pagtaas ng presyo ng langis.
- Latest