MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Manila Mayor Honey Lacuna ang paggagawad ng LEVEL 2 Accreditation ng Association of Local Colleges and Universities Commission on Accreditation (ALCUCOA) sa Universidad de Manila (UDM).
Kaagad namang binati ng alkalde ang pamunuan ng UDM, sa pangunguna ng Pangulo nitong Dr. Felma Carlos-Tria, dahil sa tagumpay na nakamit ng unibersidad, na aniya ay naghahatid ng karangalan, hindi lamang sa unibersidad at sa mga estudyante nito, kundi maging sa pamahalaang lungsod.
Sa Presentation and Confirmation ng Accreditation Results and Awarding Ceremonies na ginanap sa UDM Palma Hall, personal na iginawad ni ALCUCOA President at Executive Director Dr. Raymundo P. Arcega ang Certificates of Accreditation kina Tria at Vice Mayor Yul Servo na kumakatawan kay Lacuna.
Binati rin naman ni Lacuna si Tria, ang buong faculty at staff ng UDM, at tinukoy ang kanilang pagsusumikap at dedikasyon para sa maraming tagumpay ng unibersidad.
Sinabi pa ng alkalde na nakamit ng UDM ang Level 2 sa loob lamang ng dalawang taon at dalawang buwan, kaya hawak nito ang pinakamabilis na rekord dahil ang pag-unlad ng iba pang LUC ay karaniwang tumatagal ng walong taon.
Para sa kanyang bahagi, sinabi ni Tria na ang accreditation ng ALCUCOA Level 2 ay isang patunay sa hindi natitinag na pangako ng UDM sa pagbibigay ng high quality at globally-competitive education. Dahil dito, ang lahat ng mga programa ng UDM ay akreditado na ngayon.