MANILA, Philippines — Nasagip ng mga tauhan ng Malabon City Police ang isang Taiwanese na dinukot at ginahasa ng isa sa kanyang pitong abductors na Chinese, kamakalawa sa nabanggit na lungsod.
Batay sa isinumiteng report ni Malabon police chief PCol. Jonathan Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Rizalito Gapas, alas-3 ng hapon nitong Linggo nang masagip ng Intelligence Section (SIS) at ng Sub-Station 1 ng Malabon police ang biktimang si Wang Hui-Xin, 35 at residente ng BGC, Makati City.
Nasa kustodiya naman ng Malabon City Police ang dalawa sa mga suspek na sina Zheng Xi Lin, 34, at Ma Pun Xin, 36, kapwa ng Barangay Potrero, Malabon City.
Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Jeric Tindugan at PCpl Joann-Rose Tindugan ng Malabon City Police na Agosto 14 nang imbitahan ang biktima ng kanyang kaibigan na nagngangalang Axin at nagkasundo na magkita sa Malate, Manila.
Subalit hindi nakita ng biktima sa lugar ang kaibigan at sa halip ay nagulat ito nang lapitan siya ng pitong kalalakihan, piniringan at pinasakay sa isang sasakyan.
Dinala ang biktima sa isang bahay sa Malabon kung saan siya ikinulong sa loob ng limang araw.
Isinalaysay pa nito sa mga pulis, na dalawang ulit siyang ginahasa ng lider ng grupo kasabay ng pananakot at paghingi ng pera na nagkakahalaga ng $124,233.00 sa pamamagitan ng money transfer.
Bagama’t bantay sarado, nagawang makahingi ng tulong ng biktima sa kanyang kaibigang lalaking Taiwanese na siyang nagreport sa pulisya.
Agad namang ikinasa ang rescue operation kung saan natunton ang kinalalagyan ng biktima sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) ng cellphone nito.
Nasagip ang biktima, habang dalawa sa mga suspect ang nadakip.
Patuloy naman ang follow-up investigation ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa iba pang mga suspek.