MANILA, Philippines — Isang lalaking Aleman ang inaresto ng pulisya na nang dahil sa pagiging maangas matapos sitahin sa paglabag sa batas-trapiko ay nadiskubre ring may dala siyang iligal na droga, sa Makati City, nitong nakalipas na Huwebes.
Nakapiit sa Makati City Police Station Custodial Facility ang suspek na kinilalang si Kuecuekboga Sueleyman, 37-anyos, German national, na nahaharap sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (RPC) at Section 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Sa ulat, dakong alas 11:30 ng umaga ng Hunyo 15, nang pahintuin ang sasakyan ni Sueleyman ng Public Safety Department (PSD) personnel dahil sa number coding scheme violation, sa panulukan ng Arnaiz Avenue at Pasong Tamo, sa Barangay Pio Del Pilar, Makati City.
Sa halip na sumunod sa hinihinging lisensya at vehicle registration ng dalawang traffic enforcers ng Makati-PSD, matapang at tumangging ipakita ang nasabing mga dokumento.
Humingi ng police assistance ang traffic enforcer na agad namang rumesponde ang mga tauhan ng San Isidro Police Sub-Station subalit patuloy pa rin sa pagwawala ang dayuhan hanggang sa i-body search na siya kung saan nakuha ang 16 sachets ng Opium Poppy seeds (Papaver somniferum).
Nasamsam ng mga awtoridad sa suspek ang hinihinalang iligal na droga, iba’t ibang electronic devices, identification documents, isang Lenovo laptop, ang sasakyang Duramax Chevrole, at cash na nagkakahalaga ng P102,520.00.